PatrolPH

Kasapi umano ng NPA, patay sa Surigao del Norte habang hinuhuli ng pulis

Lorilly Charmane D. Awitan

Posted at Jan 20 2021 04:42 PM

Kasapi umano ng NPA, patay sa Surigao del Norte habang hinuhuli ng pulis 1
Nagpaputok umano ang suspek na rebelde sa awtoridad na maghahain sana ng warrant of arrest laban sa kaniya. Larawan mula sa RPIO, PRO13

SURIGAO CITY - Patay ang isang miyembro ng New People’s Army matapos umanong magpaputok sa mga pulis na maghahain sa kaniya ng warrant of arrest.

Ayon kay Police Regional Office 13 Regional Director, Brigadier General Romeo Caramat Jr., residente ng Barangay Trinidad sa naturang lungsod si Cecel Nuñez, alyas Dennis, 59-anyos.
 
Si Nuñez ay assistant team leader umano ng Squad 1 sa Sandatahang Yunit Pampropaganda, 16B Guerilla Front 16, Northeastern Mindanao Regional Committee.

Maghahain na sana ng warrant of arrest ang Surigao del Norte Provincial Intelligence Unit, 1st Surigao del Norte Provincial Mobile Force Company, at Surigao City Police Station nang magpaputok ang suspek. 

Agad namang nakaganti ang mga pulis at napatay si Nuñez.

Narekober sa pinangyarihan ang isang kalibre .38 revolver, dalawang bala ng kalibre.38, isang fired cartridge case ng kalibre .38, dalawang fired cartridges ng .9mm at isang granada.

Base na sa imbestigasyon ng kapulisan, si Nuñez ay isa sa mga suspek sa pagpatay sa isang Elmer Madrona at Bertoldo Rangas noong Abril 5, 2019 sa Barangay Tagbayani, Sison, Surigao del Norte.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.