Higit P6-milyon halaga ng shabu, nasabat sa Makati

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2021 05:21 AM

MAYNILA - Arestado ang isang babae at apat na lalaki sa isinagawang buy-bust operation sa Bgy. West Rembo sa Makati City Martes ng gabi.

Timbog ang 36-anyos na si alyas Nene, ang 29-anyos na si alyas Toperl, ang 37-anyos na si alyas Jam, at 18-anyos na si alyas Oyong, lahat mga taga-Maynila.

Nakumpiska sa kanila ang nasa 900 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P6.1 milyon.

Ayon kay Police Col. Harold Depositar, hepe ng Makati City Police, nakipagkita ang nagpanggap na buyer sa mga suspek sa Kalayaan Avenue bandang alas-9 ng gabi.

Kasama sa operasyon ng Makati police drug enforcement unit ang special operations group at ang drug enforcement unit ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Binilhan ng P600,000 halaga ng shabu ang mga suspek bago sila inaresto.

Ayon kay Depositar, taga-magkakaibang drug group ang 4 na suspek. 

Natunton ang mga suspek mula sa contact na na-develop ng mga pulis mula sa mga naaresto sa mga dating buy-bust.

Sabi ng suspek na si alyas "Jam", inuutusan at binabayaran sila para magbagsak ng droga sa ibang mga nagbebenta.

Ayon sa pulis, dinadala ito ng mga suspek sa Makati at ibang bahagi ng Metro Manila gaya ng Mandaluyong at Quezon City.

Depensa ni "Jam", kapit sa patalim ang pagpasok nila sa bentahan ng shabu.

Nahaharap sila sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.