Bayan ng Baggao sa Cagayan, ibabalik sa MECQ sa loob ng 10 araw

ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2021 10:15 PM

Mula modified general community quarantine (MGCQ), ibabalik sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang buong bayan ng Baggao sa lalawigan ng Cagayan simula January 21 hanggang 30.

Ang sampung araw na MECQ ay inaprubahan ng Regional Inter-Agency Task Force batay na rin sa rekomendasyon ng lokal na pamahalaan na layong matugunan ang biglang paglobo ng kaso ng COVID-19.

Sa tala ng Municipal Epidemiological Surveillance Unit, umaabot na sa animnapu’t lima (65) ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Baggao na bunga umano ng local transmission o pagkakahawa ng mga residente sa loob mismo ng komunidad.

Naitala ang mga aktibong kaso ng Covid-19 sa mga barangay ng Dalla, Lasilat, Tallang, San Jose, Santa Margarita, Hacienda, Bitag Grande, Remus, Barsat East, Agaman Proper, Santor, Taguing, Alba at Mocag.

Ipinatutupad na ang zonal containment strategy sa mga apektadong barangay.

 

Inaasahang makakatulong din ang implementasyon ng MECQ para maagapan ang pagdami ng kaso. Sa ilalim kasi nito ay mas istriktong mga panuntunan ang ipatutupad gaya ng curfew mula alas-7 ng gabi hanggang alas-6 ng umaga.

Isang miyembro lang ng pamilya ang pahihintulutan na lumabas ng bahay. Mahigpit din na ipinagbabawal ang paglabas ng mga kabataan na edad 14 pababa at mga matatanda na edad 66 pataas.

Hindi rin muna pahihintulutan ang pampublikong transportasyon at bawal ang magkaangkas sa motorsiklo kahit kapamilya. Papayagan din na magbukas ang mga restawran, pero bawal ang magpa-dine in.

Magbibigay naman ng ayuda sa mga apektadong residente ang lokal na pamahalan.

Sa buong Cagayan, pangalawa ang Baggao sa may pinakamataas ang kaso ng COVID-19.

Pinakamarami sa Tuguegarao City na nasa 265 ang aktibong kaso kung kaya ibinalik ito sa Enhanced Community Quarantine simula January 20 hanggang hatinggabi ng January 29.

- ulat ni Harris Julio

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.