20 pamilya nasunugan sa Baseco Compound

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2021 05:40 AM

MAYNILA - Nilamon ng malaking apoy ang ilang mga bahay sa Baseco Compound, Maynila Martes ng gabi.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog lalo’t nahirapan ang mga bumbero na tumbukin agad ang lugar dahil masikip ang mga daan.

Dagdag pa sa hamon ang dami ng mga tao sa lugar kaya hindi makapwesto ang mga fire truck, ayon kay Fire Inspector Michael Ignacio, substation commander ng Intramuros Fire Station.

Gawa rin sa light materials ang karamihan sa mga bahay kaya mabilis kumalat ang apoy.

Ayon kay Jenny Ellar, isa sa mga residenteng nasunugan, nangamoy na lang na may nasusunog mula sa kapitbahay nilang walang kuryente. 

Hinala nila, napabayaang kandila ang pinagmulan ng sunog. 

Pero iniimbestigahan pa ng BFP ang pinagmulan ng sunog at sanhi nito.

Bukod sa covered court muna mananatili ang mga residente, nangangamba rin sila sa pagkalat ng COVID-19 sa kanilang lugar lalo’t hindi na nasunod ang physical distancing sa kanilang paglikas.

Tinatayang nasa P150,000 ang halaga ng nasirang ari-arian ayon sa BFP.

Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.