'Couple's nest' para sa mga magkarelasyong evacuee binuksan sa Tagaytay

ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2020 02:46 PM

Sa gitna ng pag-aalboroto ng bulkang Taal, isang establisimyento ang binuksan sa Tagaytay kung saan maaaring pansamantalang magkaroon ng privacy ang mga mag-asawa o nagsasamang mga evacuee.

May 5 kuwarto ang binansagang "couple's nest" ng mga evacuee, na umookupa sa gusaling dating nagsilbing training center ng Philippine Red Cross. Maaaring gamitin nang libre ang mga kuwarto sa loob ng 2 oras.

]

Bago magamit ang mga kuwarto, kailangan munang magparehistro ng mga magkarelasyong evacuee at kumuha ng coupon.

Sasailalim din muna ang mga evacuee sa family planning seminar at bibigyan ng condom bago ipagamit ang mga kuwarto.

Daan-daang pamilya mula sa mga bayang malapit sa bulkang Taal ang lumikas sa Tagaytay City simula noong nakaraang linggo nang mag-umpisang mag-alboroto ang Taal.

Hindi pa rin inaalis ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang Alert Level 4 sa Taal sa kabila ng pananahimik ng bulkan noong mga nakaraang araw, na nangangahulugang posible pa rin ang mapanganib na pagsabog.

-- May ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.