Batangas gov't handang ilipat ang mga evacuee mula sa mga eskuwelahan

ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2020 08:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Handa ang pamahalaang panlalawigan ng Batangas na ilipat sa ibang site ang mga evacuee ng bulkang Taal sa oras na umabot na sa 15 araw na ang pamamalagi ng mga ito sa mga eskuwelahan bilang evacuation center.

Ayon kay Batangas Governor Hermilando Mandanas, handa silang kupkupin ang mga evacuee sa multi-purpose halls, munisipyo, at mga gym, lalo at mas maraming evacuee ang nakikituloy sa mga kamag-anak.

Posible kasing mapaalis na sa susunod na linggo ang mga evacuee sa mga eskuwelahang ginagamit na evacuation center.

Batay sa Republic Act 10821 o Children's Emergency Relief and Protection Act, hangga't maaari, 15 araw lang puwedeng ipagamit ang mga paaralan bilang evacuation center.

Puwede namang mag-extend kung wala na talagang ibang mapupuntahan.

Sa ngayon, hindi pa tiyak kung kailan babalik ang klase sa Batangas.

Nauna nang umapela noong nakaraang linggo si Education Secretary Leonor Briones na ilipat sa ibang site ang mga evacuee para matuloy na ulit ang mga klase.

MGA RESIDENTE PINATULOY SA MGA TAHANAN ANG MGA EVACUEE

Sa bayan ng San Luis, puno na ang ilang evacuation center kaya ang mga residente mismo ang kumupkop sa mga nagsilikas kahit hindi naman nila kilala ang iba sa mga ito.

Isa rito sa Elvira Ragas na kumupkop sa mga kaibigan niya sa simbahan mula Lemery at mga kapitbahay ng mga ito, kaya umabot sa 20 pamilya ang kaniyang kinakalinga.

"Naging privilege sa amin na nakatulong kami," ani Ragas.

Nasa 33 pamilya naman mula Lemery ang inaasikaso ni Ernesto Villanueva.

Problemado umano si Villanueva kung paano pakakainin ang mga lumikas lalo at umaasa lang din siya sa relief goods.

"Kung halimbawa walang tulong dumating, kahit tuyo maga-ambag-amabagan sila. Basta huwag ko lang ipagtabuyan dito," aniya.

Pero hindi lang ang mga pamilya ang nag-aalala kung hanggang kailan nila susuportahan ang mga evacuee.

Sa bayan ng Bauan, iniisip nang ilipat sa bakanteng lupain ang 22,000 evacuee para makapasok sa eskuwelahan ang mga bata.

Subalit kailangan ng mga tent, palikuran at ibang pasilidad para maitayo ang evacuation site.

"Sa ngayon, dagsa 'yong tulong na nanggagaling sa ating mga kababayan at sa iba-ibang sektor," ani Bauan Mayor Ryan Dolor.

"Kapag tumagal ito ng... isang buwan, hindi natin alam kung patuloy pa ring magbibigay 'yong private individuals at iba-ibang sektor," dagdag ni Dolor.

-- Ulat nina Zhander Cayabyab at Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.