2 barangay kagawad patay sa pamamaril sa Bukidnon

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2020 10:47 PM

TALAKAG, Bukidnon - Hindi na natuloy ang sesyon ng konseho sa Barangay Dominorog sa bayan ng Talakag matapos pagbabarilin ang dalawang kagawad sa mismong tapat ng barangay hall pasado alas-7 ng umaga Lunes.

Dead on the spot ang 69 anyos na si Loreno Pedyaan habang dead on arrival sa ospital ang 73 anyos na si Mauricio Guinto.

Nagtamo ng tama ng baril sa ulo si Guinto habang sa dibdib naman ang tama ni Pedyaan.

Narekober ng mga pulis sa crime scene ang apat na basyo ng kalibre .45 na baril.

Ayon kay PCapt. Dominador Orate Jr., ang hepe ng Talakag Municipal Police Station, isang gunman ang nag-abang sa barangay hall na namaril sa mga biktima, base na rin sa pahayag ng isang witness.

Tinututukan nila ngayong motibo ang anggulong pulitika at hinala nila na gun-for-hire ang mga responsable.

May lead na rin ang pulisya sa pagkakakilanlan ng posibleng nag-utos sa pamamaril.

Hustisya naman ang panawagan ng pamilya ng mga biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.