MILF commander sa Lanao del Norte, nanawagan ng 'yes' sa plebisito

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2019 05:55 PM | Updated as of Jan 21 2019 04:04 AM

ILIGAN CITY -- Nanawagan ang isang commander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa mga Muslim at Kristiyano sa lalawigan ng Lanao del Norte na suportahan at bumoto ng "yes" sa gaganaping plebisito ng Bangsamoro Organic Law (BOL) sa darating February 6.

Sa isang bidyo na ipinost ni Abdullah “Commander Bravo” Macapaar sa Facebook, nanawagan siya ng suporta para sa kapayapaan sa lalawigan.

Si Bravo ang commander ng MILF North Western Mindanao Front kung saan nakabase ang kaniyang kampo sa Munai, Lanao del Norte.

 

Kabilang ang Munai sa anim na munisipyo na gustong magpailalim sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kapag maratipika na ang BOL.

“Sa mga taong ayaw sa kapayapaan at ayaw suportahan ang inclusion ng anim na munisipyo ng Lanao del Norte sa Bangsamoro, nakikiusap ako sa inyo na huwag ninyong takutin ang mga taong nangangarap ng kapayapaan at gustong bumoto ng yes dahil baka mamunga ito ng hindi pagkakaunawaan at kaguluhan sa Lanao del Norte,” ani Bravo sa kaniyang pahayag.

Sinisiguro din ni Bravo na kung hindi man pabor sa kanila ang magiging resulta ng plebisito, hindi siya gagawa ng gulo sa probinsya.

“Wala kaming balak na manggulo dahil ayaw namin ng gulo. Ngunit sinisiguro ko sa inyo na pagkatapos ng plebisito ipagtatanggol ko ang sino mang masaktan sa lahat ng yes supporter, Muslim man o Kristiyano,” dagdag ni Bravo.

Naniniwala naman si Munai Mayor Casar Maquiling na paninindigan ni Bravo ang kaniyang pangako.

“Sa tingin ko, as long as the electoral process dito sa Lanao del Norte walang dayaan, walang mangyayari na panggugulo. In fact, sa (MILF) central committee, narinig naming na they will abide whatever the result,” sabi ni mayor Maquiling.

Masasakop lamang sa BARMM ang bayan ng Munai, Pantar, Tangkal, Baloi, Tagoloan, at Nunungan kung boboto din ng "yes" ang 16 pa na bayan ng probinsiya.

Pero una nang inihayag ng probinsyal na pamahalaan na tutol silang mahiwalay sa kanilang teritoryo ang anim na munisipyo.

Noong nakaraang linggo, nakipagkita si 2nd district Congressman Abdulla Dimaporo kay Commander Bravo para siguruhin na mananatili pa rin ang kapayapaan sa probinsiya kahit na magkaiba ang kanilang pananaw sa paghiwalay ng anim na munisipyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.