Mga gamit para sa Bangsamoro plebiscite ininspeksiyon

ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2019 03:12 PM | Updated as of Jan 20 2019 06:47 PM

Ininspeksiyon ng mga guro sa Cotabato City ang mga gagamitin para sa plebisito ng Bangsamoro Organic Law. Ron Gagalac, ABS-CBN News

Ininspeksiyon ngayong Linggo ang mga kagamitan para sa plebisito ng Bangsamoro Organic Law (BOL), na layong palawigin ang kapangyarihan ng mga Muslim sa Mindanao na pamahalaan ang kanilang rehiyon.

Bilang bahagi ng electoral process, sinilip nitong umaga ng Linggo ng mga guro — na magsisilbing mga miyembro ng plebiscite committee — ang mga gagamitin sa botohan para matiyak na hindi napakialamanan ang mga ito sa ano mang paraan. Kabilang sa mga ininspeksiyon ang mga ballot box, election form, voters list, at mga ballpen at tinta.

Sa Lunes, Enero 21 boboto ang mga mga residente ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), Isabela City sa Basilan, at Cotabato City kung sang-ayon o tutol sila na maratipikahan ang BOL.

Sa Pebrero 6 naman boboto ang mga taga-Lanao del Norte puwera Iligan City, anim na bayan sa North Cotabato, at iba pang mga lugar na nagpetisyon sa Commission on Elections (Comelec) para makalahok sa plebisito.

Hindi umano maiwasan ng mga gurong mangangasiwa sa botohan na mangamba para sa kanilang kaligtasan lalo sa mismong araw ng botohan.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Hindi namin maano na talagang 100 percent 'yong kampante namin pero siyempre bilang part ng profession namin, kailangan namin ito gawin," sabi ng gurong si Sittie Sarah Kalipapa.

Umapela ang mga guro sa publiko na tumulong sa pagpapanatili ng kaayusan sa gitna ng botohan at sumunod sa mga panuntunan.

"Sana maging mahinahon sila sa pagboto, kung ano nasa puso nila 'yon iboto nila. Huwag sila magpadala sa sabi-sabi sa labas, huwag sila gumawa ng karahasan para lang magawa ang gusto nila," ani Kalipapa.

"Sa mga botante hinhiling ko po na kaya nating itawid ang plebiscite na ito, magkaroon tayo ng malinis, matapat at matiwasay na plebiscite," anang guro na si Richard Cedeño.

Tiniyak naman ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na hindi sila papayag na may manabotahe sa makasaysayang botohan.

Handa raw ang gobyerno sakaling may manggulong mga komunista, marahas na extremist o grupong tutol sa BOL.

"As much as the BOL is our ticket to a peaceful Mindanao, the plebiscite also poses as an opportunity for communist terrorists, extremists, and anti-BOL factions to sow violence and prevent the voting from happening," sabi ni Año sa isang pahayag.

"Thus, all hands are now on deck to ensure the peaceful and orderly conduct of the plebiscite," dagdag niya.

Nasa 20,000 pulis at sundalo ang itinalaga para mangasiwa ng kaayusan sa ARMM, Cotabato City at Isabela City sa Lunes.

Nagpatupad na rin ng liquor ban sa mga naturang lugar simula hatinggabi ng Linggo.

Muling iginiit ni Comelec spokesperson James Jimenez na handa ang lahat para sa botohan.

"Ready na tayo ang hinihintay na lang natin ay ang pagbubukas ng mga presinto," aniya.

Nagpaalala rin si Jimenez sa mga botante na tiyaking tama ang paraan ng pagsagot sa balota.

"Ang boto kailangan salitang 'yes' or 'no', 'oo' or 'hindi', o ano mang katumbas noon sa local dialect. Hindi tatanggapin ang check or exis o bilog o kahit na anong marka na pwedeng ilagay dyan," aniya --Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.