DOLE may alok na summer jobs para sa mga estudyante

ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2019 07:11 PM

Watch more in iWantTFC

Makabuluhan para sa estudyante sa kolehiyo na si Danica Dela Cruz ang kaniyang mga bakasyon sa nakalipas na tatlong taon.

Sa halip kasing magpahinga sa bahay, ginuguol niya ang kaniyang oras sa isang summer job. Nagsilbi si Dela Cruz bilang assistant sa isang opisina sa Marikina.

Ayon kay Dela Cruz, hindi lang nakatulong ang kaniyang kinita para sa sariling pag-aaral kundi nakatulong din sa gastusin sa paaralan ng mga nakababatang kapatid.

Isa si Dela Cruz sa mga nakinabang sa Special Program for Employment of Students (SPES) ng Department of Labor and Employment (DOLE).

"Masaya po ako dahil sa tulong ng SPES, umabot ako sa punto na 'to... parang isa siyang malaking reward sa magulang ko," ani Dela Cruz.

Layunin ng programang tulungang makahanap ng summer job o trabaho sa bakasyon ang mga kabataang nasa edad 15 hanggang 30.

"Ang priority natin diyan 'yong mga poor at deserving students so we look at the income of the family," ani Bureau of Local Employment Director Dominique Tutay.

Bukod sa tulong sa kita, hangad din ng programa na mabigyan na ng skills o mga kasanayan ang isang tao habang siya ay estudyante pa, ani Tutay.

Isa sa mga kailangan ng mga estudyanteng maga-aplay sa programa ay pasadong grado.

Puwede ring mag-aplay ang mga "out of school youth" na nais bumalik sa pag-aaral.

Limitado lamang ang bilang ng mga tinatanggap na benepisyaryo ng programa kaya dumadaan sa proseso ng aplikasyon. --Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.