Babae patay sa pamamaril sa Bataan

Rod Izon, ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2019 09:43 PM

LIMAY, Bataan -- Patay ang isang ginang habang nasa kritikal na kalagayan naman ang kaniyang siyam na taong gulang na anak matapos pagbabarilin umano ng isang pulis at kapatid nito sa bayang ito Sabado ng gabi.

Agad namatay ang biktimang si Melanie Quico habang malubha ang lagay ng anak nito.

Sinasabing pauwi na ang biktima lulan ng isang kotse nang pagbabarilin ng mga suspek na sina SPO1 Shaoline Cabatuan at ang kapatid nitong si Warren.

Isa sa tinitingnang motibo ng pulisya ang pagsasampa ng kaso ng biktima laban kay Warren dahil sa malaki nitong utang at kasong child abuse.

Ayon kay Bataan Police Chief Senior Superintendent Marcelo Dayag, naaresto sa isang follow-up operation si Warren. Patuloy pang tinutugis ang kapatid nitong pulis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.