3 agaw-cellphone na suspek timbog sa droga, armas sa Bacolod

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2019 12:26 AM

BACOLOD CITY—Arestado ang 3 lalaking suspek sa pag-agaw ng cellphone matapos mahulihan ng droga at baril sa lungsod nitong Sabado ng hapon.

Inagawan ng cellphone ang 33-anyos na call center agent ng tatlong mga lalaking sakay sa motorsiklo sa Barangay Nansilingan noong Biyernes ng gabi.

Hindi inakala ng biktima na makikita na ibinebenta na pala online ang kaniyang cellphone. 

Sa entrapment operation nitong Sabado, nabawi sa mga suspek ang cellphone ng biktima. 

Ayon sa pulis, narekober din ang isang pin gun sa isa sa mga suspek at sachet ng hinihinalang shabu sa kasama nitong 21 anyos.

Napag-alaman na isa sa mga suspek ay dati nang nakasuhan ng murder. Maliban sa kasong robbery ay sasampahan siya ng hiwalay na kaso na paglabag sa election gun ban at Comprehensive Law on Firearms, Ammunition and Explosives. 

Haharap din sa kasong possession of illegal drugs at drug paraphernalia ang isa sa kaniyang kasamahan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.