Sunog sumiklab sa Cavite Economic Zone; daan-daang empleyado mawawalan ng trabaho

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2018 12:18 AM | Updated as of Jan 20 2018 05:25 AM

Watch more in iWant or iWantTFC

Video courtesy of Cavite Rescue One

Sumiklab ang isang sunog sa loob ng compound ng Cavite Economic Zone sa Rosario, Cavite Biyernes ng gabi.

Ayon kay Cavite fire chief Aristotle Bañaga, nagsimula ang sunog alas-9:40 ng gabi at itinaas sa Task Force Alpha makalipas ang mahigit 30 minuto.

Mahigit 40 bombero ang rumesponde at idineklarang kontrolado na ang sunog pagdating ng alas-11:49 ng gabi.

Ayon kay Atty. Nori Tañag, zone administrator ng CEZ, kabilang sa mga nasunog ay tig-isang gusali ng House Technology Industries o HTI at SCAD services kung saan ginagawa ang mga bahagi ng bahay.

Sabi ni Tañag, mahigit 700 empleyado ng HTI at 200 empleyado ng SCAD ang mawawalan ng trabaho sa nangyaring sunog.

Wala namang tao sa loob ng gusali nang mangyari ang sunog dahil nag-uwian na ang mga empleyado alas-5:30 ng gabi.

Nasunog na rin noong Pebrero 2017 ang isang factory sa CEZ compound kung saan marami ang nasaktan.

Ayon kay Cavite Governor Boying Remulla, ang HTI ang pinakamalaking employer sa Cavite kung saan umaabot sa 36,000 Kabiteño ang binibigyan ng trabaho.

Iimbestigahan pa ang kumpanya kung may paglabag sa nangyaring sunog kagabi.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.