PANOORIN: 'Maaksyong' pagtugis sa isang drug suspect sa Taguig

ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2018 08:31 PM | Updated as of Jan 20 2018 10:43 PM

(UPDATED) Umabot sa 7 drug suspect ang naaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa 2 bahay sa Taguig City.

Naging maaksyon ang pagsalakay sa bahay ng main target na si Melchie Ortega, 42, sa Pagasa Avenue sa Brgy. Katuparan.

Kasama pa ni Ortega ang kaniyang 2 maliliit na anak nang pasukin ng mga operatiba.

Sa paghahalughog, kumpiskado kay Ortega ang mga sachet ng hinihinalang shabu na aabot sa 22 gramo, kasama na ang mga drug paraphernalia.

Itinanggi ni Ortega ang paratang na nagbebenta siya ng shabu, at ipinatago lang umano sa kaniya ang mga nasabat na ebidensya.

Hinala niya, isinuplong lang siya ng kapitbahay na may galit sa kaniya.

Sa isa pang bahay sa Balimbing Street sa Brgy. North Signal Village, 7 ang naaresto.

Kinilala ang mga arestado na sina Kim Joy Altobano, 35 taong gulang; Maximo Que Matias, 40; Albert Altobano, 48; Ronaldo Peñano, 53; Rey Costinar, 20; Jerald Tolop, 29; at Jonathan Baltazar, 32.

Kumpiskado sa bahay ang umano'y shabu na nasa 20 gramo at nagkakahalaga ng P100,000.

--Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.