Mga empleyadong apektado ng sunog sa Cavite Economic Zone, babayaran pa rin - PEZA

ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2018 06:04 PM

Pasasahurin pa rin ng dalawang kompanyang may-ari ng mga nasunog na gusali sa loob ng compound ng Cavite Economic Zone sa Rosario, Cavite ang kani-kanilang mga empleyado, paglilinaw ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA).

Nasunog nitong Biyernes ng gabi ang tig-isang gusali ng House Technology Industries o HTI at SCAD services, kung saan ginagawa ang mga bahagi ng bahay.

Ayon sa PEZA, 750 na mga empleyado ng dalawang kompanya ang maapektuhan, ngunit patuloy silang makakatanggap ng kanilang suweldo hanggang mabigyan ng trabaho sa iba pang mga kompanya sa ilalim ng HRD Group of Companies, kung saan nakapailalim ang HTI at SCAD.

"HTI and SCAD will continue to pay the salary of the affected workers, until they are deployed to their sister companies," ani PEZA Director Charito Plaza.

Ayon kay Plaza, walang nasaktan o nasawi sa insidente dahil 5:30 pa lang ng hapon ay pinauwi na ang mga empleyado.

Inaalam pa ng Bureau of Fire Protection ang dahilan ng sunog, dagdag niya.

Nasunog rin noong Pebrero 2017 ang isang gusali ng HTI sa loob ng economic zone, kung saan marami ang nasaktan.

Ayon kay Cavite Governor Boying Remulla, ang HTI ang pinakamalaking employer sa Cavite kung saan umaabot sa 36,000 Kabiteño ang binibigyan ng trabaho.

Paglilinaw ni Plaza, walang namatay nang dahil sa mismong sunog noong nakaraang taon dahil nakalabas ang lahat ng mga nasa loob ng gusal. Ngunit may 6 na empleyado ang pumanaw dahil sa mga natamong lapnos sa katawan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.