Manatiling alerto: Bulkang Mayon aktibo pa rin ayon sa Phivolcs

ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2018 01:23 PM | Updated as of Jan 21 2018 12:45 PM

LEGAZPI, Albay - Aktibo pa rin ang Bulkang Mayon kahit hindi makita ang ibabaw nito dahil sa makakapal na ulap at mga pag-ulan, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Sabado.

Ayon sa mga monitoring equipment ng Phivolcs, patuloy pa rin ang aktibidad ng bulkan ilang araw mula nang mag-umpisa ang lava flow dito, ani Mariton Bornas, Chief Science Research Specialist ng Phivolcs. 

"Mayon is unpredictable," sabi ni Bornas sa isang press conference. 

Ayon sa kaniya, may pamamaga pa rin sa dalisdis ng bulkan batay sa pagsusukat noong Huwebes, indikasyon na umaakyat ang magma sa crater.

Kaya payo ng Phivolcs sa mga residente, huwag maging kampante. 

Nasa 6 milyong cubic meter na ng lava ang nailabas ng bulkan sa ilang bahagi ng Daraga, Albay at nakapaglabas na ng 1,131 tons ng sulfur dioxide.

Nasa Alert Level 3 pa rin ang Bulkang Mayon, dagdag ng Phivolcs. Ang lebel na ito ay nangangahulugan ng "increased tendency towards eruption."

Aabot sa 26,000 residente ang nananatili pa sa mga evacuation center matapos ang paglikas ng mga nasa panganib na komunidad dahil sa aktibidad sa bulkan na nag-umpisa noong nakaraang linggo. 

Mas mababa ang bilang na ito kumpara noong mga nakaraang araw dahil pinayagan nang makauwi ang ibang pamilyang lumikas mula sa limang barangay.

Ayon sa mga awtoridad, naglaan na ang gobyerno ng P19 milyon na budget upang magpagawa ng mga pansamantalang paaralan para sa mga batang nasa mga evacuation centers.

-- ulat mula kay Erick Baldo, ABS-CBN News.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.