Karinderya nilooban; mukha ng kawatan hagip sa CCTV

ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2018 04:23 PM | Updated as of Jan 21 2018 08:18 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pasado alas-12 ng madaling araw ng Sabado nang pasukin ng magnanakaw ang isang karinderya sa Brgy. E. Rodriguez, Quezon City.

Natutulog na ang bantay ng karinderya pero nang maalimpungatan ay naisip niyang silipin ang kanilang CCTV camera at laking gulat niya nang makitang nakalihis na ito. 

"Nung mapansin ko po, wala na akong makita kasi doon po nakatapat iyon eh. Doon ko na nasabi na napasok kami [ng magnanakaw]," ani Lilibeth Laptik, tindera at bantay ng establisyemento.
    
Sa CCTV footage, nakuhanan ang mukha ng salarin na nanloob sa tindahan, na isang lalaking may kapayatan at maikli ang buhok.

Mula sa labas, dumaan ang lalaki sa tila bintana at doon niya binutas ang dingding bago nakapasok sa loob mismo ng karinderya.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, mukhang alam ng salarin ang pasikot-sikot sa loob. 

Mukha rin umanong matagal nang gawain ng kawatan ang pagnanakaw. 

Nasa P10,000 ang natangay mula sa karinderya at patuloy pa rin ang imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakakilanlan ng magnanakaw.

-- Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.