Dalagita patay matapos masagi ng trak sa QC

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2018 09:41 AM

Patay ang isang 13 anyos na babae matapos masagi at maipit ng trak sa Quezon City Sabado ng madaling araw.

Kuwento ng mga kaibigan ng biktima, nakasakay sila sa tricycle at binabagtas ang Aurora Boulevard nang tumambad ang isang trak na galing namang Balete Drive.

Matulin umano ang takbo ng truck kaya't nasagi ang tricycle, kung saan naka-backride ang biktima. Dito na umano ito naipit.

Ayon kay Ramon Montarde, opisyal ng Barangay Kaunlaran, isinugod pa sa ospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival.

Giit ng mga kaibigan ng biktima na pawang mga menor de edad din, pauwi na sila mula sa isang joyride sa San Juan at papunta pa sana sa Cubao.

Nakatakas naman ang driver ng trak habang nasa kamay na ng Quezon City Police District Traffic Sector 4 ang driver ng tricycle.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.