ALAMIN: Mga kalsadang apektado ng MRT-7 construction

ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2018 05:59 PM | Updated as of Jan 20 2018 08:26 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Sisimulan na ang unang bahagi ng construction sa guideway o riles ng MRT-7 sa North Avenue, Quezon City ngayong Sabado ng gabi kaya't nagbabala na ang mga awtoridad sa inaasahang pagtindi ng trapiko sa lugar. 

Alas-6 ng gabi ay babakuran na ang mga lane at alas-12 ng hatinggabi ang simula ng paghuhukay.

Dalawang inner lane sa magkabilang direksyon ng North Avenue ang sakop ng construction.

Pero hindi pa man nagsisimula, iniinda na ng mga motorista at pasahero ang mabigat na trapiko sa naturang lugar.

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), aabot sa 41,320 ang mga pasaherong dumaraan sa North Avenue mula alas-6 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi araw-araw.

Gagawin sa tapat ng Veterans Memorial Medical Center ang pundasyon, sunod ang poste, hanggang sa mailagay ang railtrack o riles ng tren.

Dahil dito, sasakupin ng paghuhukay ang dalawang inner lane ng North Avenue sa magkabilang direksyon.

Ibig sabihin, tatlong lane na lang ang matitira sa mga motoristang papunta sa elliptical road, at dalawang lane naman kung papunta sa EDSA. 

Hindi naman tuluyang isasara ang kalsada pero inaasahan na ng MMDA ang masikip na daloy ng trapiko sa lugar.

Kaya naman handa na ang mga ruta na puwedeng alternatibo sa mga motorista.

Kung kayo ay galing sa Mindanao Avenue, maaaring kumanan sa Congressional Avenue hanggang makalabas sa EDSA.

Kung galing naman sa EDSA southbound, puwedeng kumanan sa East Avenue hanggang umabot sa Elliptical Road papunta sa inyong destinasyon.

Maaari ring daanan ang Quezon Avenue palabas ng Elliptical Road papunta sa inyong destinasyon.

Ayon sa MMDA, 24 oras ang construction ng MRT-7 pero ang galaw ng mga equipment ay tuwing alas-11 lang ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.

Umaasa ang MMDA na gagamitin ng mga motorista ang mga alternatibong ruta.

Ayon sa pamunuan ng MRT-7, sa 2019 ang target na pagtatapos ng proyekto na makapagseserbisyo sa 400,000 na pasahero araw araw.

--Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.