7 lalaki, nahuli sa Taguig na nag-aabutan ng 'shabu'

ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2018 05:37 AM

Arestado ang pitong lalaki matapos maaktuhan ng mga pulis na nag-aabutan ng hinihinalang shabu sa Minipark, Fort Bonifacio sa Taguig City Biyernes ng gabi. 

Kinilala ang mga suspek na sina Michael Ambasing, 38-anyos, Randy Gomez, 26-anyos, Jay-R Campos, 26-anyos, Mark Buenaobra, 30-anyos, Jimmy Castro, 31-anyos, Jerry Adlawan, 25-anyos, at Mark Ambasing, 26-anyos.

Ayon kay Senior Insp. Romel Bulan ng Taguig police, nagsasagawa ang mga pulis ng Oplan Galugad pasado alas-9 ng gabi.

Nakita ng mga pulis si Ambassing na matagal na umano nilang minamanmanan at nasa drugs watchlist din.

Nahuli nila si Ambassing na nag-aabot ng hinihinalang shabu sa kanyang mga kasama.

Narekober sa mga nahuli ang apat na sachet ng hinihinalang shabu, isang unit ng digital weighing scale, isang kalibre. 38 na revolver na may apat na bala, at P548.

Aminado naman si Ambassing sa pagtutulak ng droga pero nagawa lamang daw niya ito dahil sa kahirapan.

Ayon kay Amante Dela Cruz, barangay kagawad sa lugar, naging talamak ang bentahan ng ilegal na droga nang dumami ang mga ipinapatayong gusali.

Madalas umano na customer ng mga tulak ay mga construction worker, dagdag niya.

Mahaharap ang mga nahuli sa kasong paglabag ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.