2 miyembro ng 'laglag barya', arestado

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2018 05:31 AM

Arestado sa Maynila ang dalawang babae na miyembro umano ng "laglag barya" gang.

Kinilala ang mga nahuli na sina Agnes Aguilar at Mary Grace Santiago.

Kuwento ng biktima, naglaglag ng barya ang isa sa mga suspek sa kanyang harapan habang nasa loob sila ng jeep.

Nang kanyang pulutin ang barya, dinukot naman ng kasamahang suspek ang kanyang cellphone.

Nagsisisgaw ang biktima hanggang makuha ang atensyon ng mga rumorondang pulis sa lugar.

Nakorner ang mga suspek sa kanto ng Maria Oroso at P. Burgos.

Ayon kay Senior Insp. Alvin Creencia ng Manila Police District Station 5 - Tourist Police Unit, matagal nang nahuhuli si Aguilar dahil sa pagnanakaw.

Karamihan umano sa mga biktima niya ay mga dayuhan na namamasyal sa Maynila.

Si Santiago naman ay aminadong matagal nang ginagawa ang modus pero ngayon lang nahuli.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.