10, sugatan sa stampede sa isang mall sa Pampanga

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2018 01:44 AM

Sugatan ang 10 katao matapos magka-stampede sa isang mall sa Angeles City, Pampanga Biyernes ng gabi.

Sumabog na baterya ng isang electronic cigarette ang tinuturong sanhi ng stampede, ayon kay Senior Insp. Edwin Laxamana, hepe ng Angeles City Police Station 1.

"Nadiscover namin na may pumutok lang palang e-cigarette na battery na kasalukuyang inaayos. Nagpanic ang mga tao. Akala nila barilan sa first floor," aniya.

Dahil sa pagsabog, binasag ng mga tao ang salamin ng isang fast food restaurant para makalabas kung saan 10 katao ang nasugatan.

Agad dinala sa ospital ang mga nasugatan. Sasagutin ng mall ang kanilang pagpapagamot.

Kuwento ng isang magkapatid, nakarinig umano sila ng pagsabog pasado alas-7 ng gabi.

"Nagsisigawan na lahat at pumasok sa restaurant," ani Ginelle Canlapan.

"Binasag nung babae 'yung salamin. Doon na kami dumaan kaya nasugatan kami lahat," dagdag ni Gay Ann Canlapan.

Maghahapunan lang sana ang magkapatid na galing pa sa trabaho.

Magsasagawa naman ng hiwalay na imbestigasyon ang mall sa nangyari.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.