'Tokhang for ransom' sa loob ng Crame, ikinagalit ni Duterte

Willard Cheng, ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2017 09:45 AM

Ikinagalit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang balitang pinatay ang isang Koreano ng pulis sa loob mismo ng kampo ng Pambansang Pulisya.

"Galit si Presidente," ayon kay PNP chief Director General Ronald dela Rosa, sa kaso ng pagpatay sa Koreano. Na-brief na ang Pangulo tungkol sa kaso. Hindi na idinetalye ni Dela Rosa ang direktiba ng Pangulo.

Ayon kay dela Rosa, siya ay "very very angry" at "offended". Kung pwede lang aniya, matunaw na siya sa hiya sa ginawa ng kanyang mga tauhan sa Koreano na si Jee Ick Joo.

Senior Police Office 3 Ricky Sta. Isabel, isa sa mga suspek sa pagpatay kay Jee Ick Joo. ABS-CBN News file image

Kuwento naman ng isang nagoyo umano ni SPO3 Ricky Sta. Isabel, kinuha ang Koreano sa Caloocan at sa Crame pa dinala at pinatay. Si Sta. Isabel aniya mismo ang sumakal sa Koreano.

Ayon kay Dela Rosa, lumalabas na matagal nang gawain ng mga sangkot sa kidnap for ransom na ipa-cremate ang mga biktima.

Banggit pa ng hepe ng pulisya, nais niyang patayin ang pulis na kidnapper pero hindi aniya ito magagawa dahil iligal pumatay.

Humingi ng paumanhin si Dela Rosa sa pamahalaan ng South Korea sa nangyari at magbibigay ng paliwanag.

Samantala, tutol si Dela Rosa na gawing state witness si Sta. Isabel na "most guilty" umano sa krimen.

Samantala, sa pulong ng Pangulo sa mga gobernador, umapela ang Pangulo sa kanila ng tulong sa kampanya ng administrasyon kontra droga.

Mas kalmado ang pangulo sa mga gobernador, banggit ni Dela Rosa.

"Mas kalmado at more on appeal, not more on threat na pababaril ko kayo sa chief of police. Walang ganun," sabi pa nito.

Hindi rin aniya naging hitik sa mura ang pangulo sa pagpupulong.