3 Amerikano, nagprotesta sa BGC kontra inagurasyon ni Trump

Zandro Ochona, DZMM

Posted at Jan 21 2017 05:09 AM

Tatlong Amerikano ang nag-protesta sa Manila American Cemetery sa Bonifacio Global City sa Taguig, Biyernes kontra inagurasyon ni U.S. President Donald Trump.

Bitbit ng tatlo ang kanilang placard na may nakasulat na "Resist" at "Not Our President" at hawak ang kandila sa kabilang kamay habang nakatayo sa labas ng sementeryo.

Inamin ni Donald Goertzen, miyembro ng grupong nagpakilalang American Resistance of the Philippines, na di pa nakakalipas ang 48 oras nang planuhin ng grupo ang kanilang kilos protesta.

Kasama niya ang dalawa pang Amerikano na nagpakilalang sina Gabriel Ortiz at Omar Tiwana na kapwa tutol kay Trump.

Anila, bukod sa pasistang mga pahayag ni Trump, tinawag din nilang "most unprepared president we ever had" ang pangulo ng U.S. dahil hindi nito alam paano pupunan ang mga nabakanteng posisyon ni dating Pangulong Barack Obama.

Nandoon din ang grupo upang ipanalangin ang kinabukasan ng Estados Unidos.