PatrolPH

Makati City, namahagi ng bakuna kontra COVID-19 sa iba’t ibang LGU

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2022 01:18 PM

MAYNILA - Namigay ang pamahalaang lungsod ng Makati ng COVID-19 vaccine doses sa iba't ibang lokal na pamahalaan sa bansa para makatulong sa inoculation program ng mga ito. 

Nag-donate ang Makati City ng 5,000 doses ng AstraZeneca vaccine sa lokal na pamahalaan ng Urdaneta City, Pangasinan.

Bukod sa Urdaneta, nagbigay din ang lungsod ng 1,000 doses ng AstraZeneca vaccine sa Cuenca, Batangas, habang 10,000 doses naman sa sa Batac, Ilocos Norte.

Ayon kay Makati City Mayor Abigail Binay, ang naturang donasyon ay paraan ng siyudad para matulungan ang ibang local government na makapag-bakuna ng kanilang mga residente bilang bahagi ng Sister LGUs program.

Nagbibigay na rin ang Makati ng booster shot sa mga hindi residente sa lungsod basta magparehistro sa kanilang portal.

Samantala, sa Imus, Cavite, binuksan na rin ang pagbabakuna sa mga residente sa kalapit na bayan at lungsod.

Ito’y matapos makamit ng Imus ang herd immunity dahil nakakumpleto na ng bakuna ang higit 85 porsyento ng target population.

Sa buong Cavite ay halos 80 porsyento na rin ang vaccination rate.

Patuloy na nakakapagtala ang bansa ng matataas na COVID-19 cases sa kabila ng pinaniniwalaang community transmission ng omicron variant. 

Base sa datos na nakalap ng ABS-CBN Investigative and Research Group, higit 56 milyon na indibidwal na sa bansa ang fully vaccinated sa COVID-19.

Nasa 59.2 milyon naman ang mga nakakuha na ng partial dose laban sa sakit. Lagpas 5.3 milyon naman na ang nakakuha ng kanilang booster shots.

PANOORIN

Watch more News on iWantTFC
 
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.