AMSTERDAM- Nagsimula raw ang pang-aabuso kay alyas Raymond, hindi totoong pangalan, noong Agosto. Binakunahan siya ng COVID-19 vaccine second dose sa The Netherlands bago magtrabaho sa inland ship, pero namaga umano ang kanyang katawan kaya dinala siya sa ospital.
Isang inland ship ang klase ng barko kung saan nagtrabaho ang dalawang Pinoy seaman na umano'y minaltrato
Ngunit kahit hindi pa lubusang magaling ay pinabalik na agad siya sa trabaho.
“Pagdating ko sa barko pinadiretso na ako ng trabaho dahil sabi ng doktor bawal nga raw akong magtrabaho pero since nandito na ako dinala na ako sa barko. Nagtrabaho na ako sa barko,” sabi ni alyas Raymond.
Sina alyas Michael at alyas Raymond
Nagkasagutan din sila nang mag-request siya ng goggles at personal protective gear para linisin ang barko.
“Sabi ko sa kanya, kapag na-aksidente ako sa barko na wala akong proper PPE, hindi ako babayaran ng insurance. Simula ng sinabi ko sa kanya iyon, bini-verbal abuse na niya ako, minumura na niya ako, idiot daw ako.Tapos one time, sinuntok niya ako sa dibdib dahil nahuli niya akong kumukuha ng gamot sa kabina ko dahil iinom nga ako ng antibiotic,” kwento pa ni alyas Raymond.
Tiniis raw niya ang pang-aabuso ng kapitan at alam ito ng kanyang German-registered agency. Pero ang sagot sa kanya lagi ay pagtiyagaan lang.
Noong Setyembre, dumaong sila Mannheim, Germany.
“Inaway ako ng asawa niya dahil hindi daw kami magkaintindihan ng asawa niya. Eh, hindi naman talaga marunong mag-English ang asawa niya. Then, sabi sa akin ng kapitan ko, bumaba ka sa barko ko, kung hindi ka bababa sa barko ko, ipapahuli kita sa pulis sasabihin ko na may ninakaw ka sa barko ko,” sabi ni alyas Raymond.
Sa takot dahil nasa Germany at German din ang kapitan, umalis na lang ng barko si Raymond. Dahil walang kakilala o pera pang-hotel, natulog siya ng dalawang gabi sa park, hanggang ma-kontak niya ang isang kaibigan na kumupkop sa kanya ng ilang buwan.
Nakarating siya sa The Netherlands sa tulong ng kaibigan.
Ganito rin ang sinapit ni alyas Michael. Unang linggo ng Disyembre, pinaalis ng barko si “Michael” sa port ng Iffezheim, Germany matapos silang magkasagutan ng kanyang kapitan.
Pinaalam din niya ito sa kanyang agency.
“Ayon hindi ko na nakayanan ang ugali kasi palagi na lang ganun, bini-verbal ako,” sabi ni alyas Michael, seaman na minaltrato umano ng kanilang kapitan.
Halos araw-araw umano ang verbal abuse sa kanya ng kapitan na may kasamang diskriminasyon.
“Pilit akong pinapabalik sa barko na iyon. Sabi ko, ayaw ko talaga. Ilipat niyo na lang talaga ako kasi hindi kami magkakasundo. Baka ano pa ang mangyari,” kwento ni alyas ni Michael.
Sa halip, nakatanggap si “Michael” ng mensahe mula sa agency ng dismissal letter at inakusahan siyang nag-AWOL.
Sina alyas Michael at alyas Raymond sa The Netherlands
Nagmakaawa siya na ilipat na lamang ng barko at ibigay ang huling sahod pero hindi na raw siya pinansin ng agency.
“Sabi niya, bahala ka sa buhay mo, fault mo yan. Maghanap ka na lang ng kaibigan mo sa Europe,” saad ni alyas Michael.
Nakontak ni “Michael” si ”Raymond” dahil pareho sila ng agency at ng sinapit.
Nag-Pasko silang walang trabaho at sapilitan silang pinauuwi sa Pilipinas. Binabaliktad na umano sila at inakusahang nag-jump ship.
Kung ganito kasi ang kaso, maba-blacklist sila at mahihirapan nang makapag-abroad muli.
Nagsumite na si alyas Raymond ng incident report sa POLO-Berlin.
Samantala, nakikipag-ugnayan na rin ang Philippine Embassy sa dalawa. Base umano sa panayam sa kanila, i-a-assess kung anong klaseng tulong ang maaring ibigay ng embahada.
“Sana ang pagtuunan ng pansin iyong kapwa naming OFW seafarer na naiipit dito, na inaabuso na mayroon po silang shelter na malalapitan kung sakaling mapalayas sila gaya ng nangyari sa amin,” sabi ni alyas Raymond.
Umaasa sila na mabibigyang linaw ang kanilang kaso at a-aksyunan ng gobyerno ang kanilang sinapit.
Ang problema kasi, sa isang maliit na inland ship tulad ng barko nina "Michael" at "Raymond", halos walang saksi sa mga pang-aabuso.
Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa The Netherlands, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.