FDA naglabas na ng mga aprubadong COVID-19 test kits para sa commercial use

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2022 09:18 PM

MAYNILA - Naglabas na ang Food and Drug Administration (FDA) ng listahan ng mga COVID-19 test kits na inaprubahan nito para sa commercial use o pagbenta sa merkado nitong Linggo.

Binubuo ito ng 45 produkto para sa RT-PCR test, 42 antigen test products, 13 antibody immunoassay test products, at 13 antibody rapid test kits.

Nirekomenda ang mga test kit sa FDA ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) matapos pumasa sa pagsusuri nito.

Kailangan pa ring isagawa ang mga RT-PCR at antigen test ng mga healthcare professional.

Nag-apply ang 27 importer at distributor para ibenta ang 45 RT-PCR test kit products, na siyang pangunahing batayan para malaman kung nagpositibo ang isang tao sa COVID-19.

Gawa ang mga ito ng 33 manufacturer, karamihan mula sa Tsina, Estados Unidos, at South Korea. May dalawa ring gawa sa Pilipinas.

Umabot naman sa 29 importer at distributor ang inaprubahang magbenta ng mga antigen test kit.

May ilang importer ding nabigyan ng pahintulot magbenta ng RT-PCR, antigen at rapid test kits.

Matatandaang dumami rin ang mga hindi awtorisadong nagbebenta ng antigen at rapid test home kits sa gitna ng dumaraming kaso ng COVID-19 at nagkakasintomas nito ngayong Enero. 

Watch more News on iWantTFC