Construction worker patay matapos barilin umano ng kainuman

ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2021 01:04 PM

Ayon sa pulisya, umuwi ng bahay ang suspek para kumuha ng baril matapos na makasagutan ang kainumang biktima. Binaril niya ang biktima na tinamaan ng bala sa dibdib. Larawan mula sa Panitan Police Station

Patay ang isang 33 anyos na construction worker matapos na pagbabarilin umano ng kainumang kasamahan sa Panitan sa Capiz.

Nakilala ang biktima na si Michael Obligar, residente ng Barangay Capagao. Ideneklara siyang dead on arrival sa Bailan District Hospital matapos mabaril sa dibdib.

Ayon sa ulat, nag-iinuman ang biktima at kasamahang suspek noong Linggo ng gabi nang magkasagutan.

Pagkatapos ng komprontasyon, umuwi sa bahay ang suspek at kumuha ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril at binaril umano ang biktima.

Tumakas ang suspek matapos ang pamamaril. Nakatakdang sampahan ng awtoridad ng kasong murder ang suspek.
 
- ulat ni Rolen Escaniel, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.