PatrolPH

3 patay sa salpukan ng motorsiklo, van sa Cagayan

ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2021 04:39 PM

3 patay sa salpukan ng motorsiklo, van sa Cagayan 1
Patay ang 3 lalaki matapos sumalpok sa kasalubong na van sa Enrile, Cagayan noong Enero 18, 2021. Enrile police

Patay ang 3 lalaki na magkakaangkas sa motorsiklo matapos sumalpok sa kasalubong na shuttle van sa Enrile, Cagayan, hapon ng Lunes.

Ayon kay Maj. Rodel Gervacio, hepe ng Enrile police, umagaw umano ng linya ang motorsiklo kaya nabangga ng van na minamaneho ng isang barangay kagawad mula Santiago City, Isabela.

Sa lakas ng pagkabangga, tumilapon sa kalsada ang mga sakay ng motor na sina Michael Alasca, 27; Mark Angelo Alasca, 21; at Roel Lazaro, 16. Pawang mga magsasaka ang mga biktima.

Naidala pa ng rescue team ang tatlo sa ospital, pero idineklara ring dead on arrival.

Walang suot na helmet at safety gears ang mga biktima, base sa imbestigasyon ng pulisya.

Ayon kay Gervacio, sinabi sa kaniya ng pulis na naroon sa pinangyarihan ng insidente na amoy alak ang mga biktima.

Nagpapagaling din ngayon sa ospital ang driver ng shuttle van, na nagtamo rin ng mga sugat.

Nakikipag-ugnayan na umano ang pulisya sa Santiago city government, na nagmamay-ari ng shuttle van, para sa posibleng pakikipag-areglo sa mga pamilya ng mga biktima.

-- Ulat ni Harris Julio

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.