2 dinukot na lalaki natagpuang patay sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2021 05:55 PM

Dalawang bangkay na hinihinalang biktima ng summary execution ang natagpuan Lunes sa bayan ng Kalayaan, Laguna.

Natagpuan ng mga tauhan ng Kalayaan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council ang mga bangkay sa madamong bahagi ng Barangay Longos bandang alas-4 ng madaling araw.

Nakatali patalikod ang mga kamay ng biktima gamit ang electrical wire at kapwa may mga tama ng bala sa ulo.

Ayon sa imbestigador na si Staff Sgt. Gerry Cadapan, kinilala ng kanilang pamilya ang mga biktima na sina Jonathan David, 29, at Vins Flores, 20.

Sa imbestigasyon, alas-8:30 ng gabi Linggo nang puwersahang pasukin ng 6 na armadong lalaki ang isang bahay sa Barangay Pacita 2, lungsod ng San Pedro.

Ginapos ang 4 na taong nasa bahay pero sina David at Flores lang ang tinangay ng mga salarin.

Tinangay din umano ng mga salarin ang mga alahas, 12 piraso ng rubber shoes, mga ATM, 4 na cellphone, laptop, at P50,000.

Tinangay din ng mga suspek ang SUV ni David na natagpuan sa Biñan.

Tinitingnan ngayon ng mga pulisya ang anggulong ilegal na droga dahil isa sa mga biktima ay miyembro umano ng isang drug group.

 RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.