Teachers' group muling nanawagan: Mga paaralan, huwag gawing evacuation sites

ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2020 02:29 PM

Mga Taal evacuee sa Bauan Technical High School sa Batangas City, Enero 14, 2020. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA — Ngayong atrasado na naman ang pasok sa mga eskuwelahan dahil sa kalamidad, muling binuhay ng isang grupo ng mga guro ang panawagang ipasa ang isang batas na nagbabawal sa paggamit ng mga paaralan bilang evacuation center.

Dapat magkaroon ng hiwalay na common evacuation center ang kada 2 o 3 barangay para hindi naookupa ng mga evacuee ang mga eskuwelahan tuwing may kalamidad, sabi ngayong Linggo ni Alliance of Concerned Teachers (ACT) party-list Rep. France Castro.

Nasa 91 paaralan sa Calabarzon region ang ginagamit ng mga evacuee kaya hindi magamit ang mga silid-aralan para sa klase, ani Castro.

Sa isinusulong na evacuation center ng Makabayan bloc ng Kamara, dapat mayroon umanong maayos na banyo, kusina at kumportableng tulugan.

Simula noong 2013 o nang manalasa ang bagyong Yolanda, paulit-ulit ang paghahain ng mga grupo sa ilalim ng Makabayan bloc ng panukala para itigil ang paggamit sa mga paaralan bilang evacuation site, ayon kay Castro.

Libo-libong mga residente mula sa mga bayang naninirahan malapit sa Taal ang lumikas mula noong nakaraang linggo bunsod ng pag-aalboroto ng bulkan.

Hindi pa rin sila makauwi dahil inoobserbahan pa ng mga awtoridad ang bulkan at pinangangambahan ang isang "hazardous eruption" o mapanganib na pagsabog.

Noong Biyernes, inihayag din ni Education Secretary Leonor Briones na dapat nang ilipat sa ibang evacuation site ang mga lumikas mula sa Taal para makapagsimula na ulit ang mga klase.

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.