P81-milyon na droga nasamsam sa Pasay, Parañaque

Jekki Pascual at Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2020 08:33 AM | Updated as of Jan 19 2020 06:29 PM

MANILA — Nakumpiska ng mga awtoridad ang nasa P81 milyon na halaga ng hinihinalang shabu sa magkahiwalay na operasyon sa Pasay at Parañaque nitong Sabado ng magdamag. 

Pawang nakasilid sa packaging ng Chinese tea ang mga drogang nakumpiska mula sa 3 suspek. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Unang nakuha ng pulisya ang nasa 10 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng nasa P68 milyon mula sa isang babae at isang lalaki sa harap ng isang bus terminal sa Malibay, Pasay. 

Tumanggi ang mga suspek, edad 21 at 22, na sabihin sa media kung saan nila nakuha ang droga. 

Kasunod nito, nakuha naman ang nasa P13.6 milyon na shabu mula sa isang 21-anyos na babae sa isang condominium unit sa Parañaque.

Itinanggi ng suspek na kanya ang 2 kilo ng droga. Hindi rin umano niya kakilala ang unang 2 suspek na nahuli sa Pasay. 

Iginiit naman ng isang operatiba ng police Drug Enforcement Group na ginagawang bagsakan ng droga ang condo unit.

"Pinaghahawak siya (suspek) ng droga, siya mag-dispose... Kunyari may mga bisita siya, pero scorer. May mga contact na siya na nakakapunta dito," sabi ng operatibang nakiusap na huwag pangalanan. 

Posibleng konektado ang mga drogang nakuha sa 2 operasyon at inaalam ng mga awtoridad kung sino ang supplier ng mga ito, ayon sa pulisya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.