Nililinis ng isang manggagawa ang abong ibinuga ng bulkang Taal na umabot sa isang events place sa Tagaytay City. Mark Demayo, ABS-CBN News
Apat na dekada nang nagtatrabaho sa Picnic Grove sa Tagaytay si Magno Torres bilang mangangabayo o horse jockey.
Pero dahil sa biglaang pagbuga ng abo ng Bulkang Taal noong nakaraang linggo, nagsara ang parke nang mabalot sa volcanic ash.
Sa isang iglap, nawalan ng hanapbuhay hindi lang si Torres kundi ang marami pang mga taga-Tagaytay na umaasa sa turismo.
"Nawala po 'yong mga turista... walang income," ani Torres.
Isa si Torres sa mga unang nag-avail ng "cash for work program," ang programa ng pamahalaang lokal ng Tagaytay para sa mga nawalan ng trabaho dahil sa pag-alboroto ng Taal.
Babayaran ang mga sasali sa programa ng P416 kada araw, o katumbas ng minimum wage rate sa Calabarzon region, para sa mga trabaho gaya ng paglilinis sa mga kalye at pagluluto sa evacuation sites.
"'Yong mga naapektuhan, talagang nawalan ng trabaho ang maka-avail nito," ani Clyde Yayong, hepe ng Tagaytay City Disaster Risk Reduction Management Office.
Sa kabila nito, ilang establisimyento sa lungsod — gaya ng mga hotel, restoran, at mall — ang nagsimula nang magbukas ulit.
-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Taal, Taal Volcano, Tagaytay, turismo, hanapbuhay, TV Patrol, Jeck Batallones