'Tagumpay, kalinga' ni Henry Sy inalala sa kaniyang pagpanaw

ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2019 08:22 PM | Updated as of Jan 19 2019 08:58 PM

Pumanaw sa kaniyang pagtulog nitong Sabado ang pinakamayaman at kilalang negosyante sa bansa na si Henry Sy, Sr. sa edad na 94.

Bukod sa kaniyang pagpapatayo ng higit 50 branch ng SM malls sa bansa, kilala rin si Sy sa kaniyang hakbang para matulungan ang maraming estudyente na maging iskolar.

Nagpasalamat ang mga ito sa ibinigay na tulong at inspirasyon ng kanilang "Tatang," na kilala rin sa kaniyang "rags to riches" na kuwento. Ipinaabot nila ang mga mensahe sa social media.

'RAGS TO RICHES'

Dala lamang ang P0.10 sa kaniyang bulsa, nakipagsapalaran si Sy at ang kaniyang ama sa Pilipinas noong siya'y 11 anyos lang.

Tinulungan niya ang kaniyang ama na magbantay sa kanilang sari-sari store sa Quiapo, Maynila.

Nang masira ang kanilang maliit na sari-sari store noong World War II, hindi nagpatinag si Sy kaya pinasok niya ang iba’t ibang negosyo.

Taong 1958 nang itinayo niya ang kaniyang shoe business na tinawag na “Shoe Mart” na kilala na ngayon bilang SM.

Nagpursige si Sy, mula sa pagpapa-aral sa sarili hanggang sa pagbebenta ng mga sapatos.

Noong 1960s, nagtayo si Sy ng mga bagong branch sa Makati at Cubao, Quezon City.

Matapos ang dalawang dekada, binago ni Sy ang shopping landscape sa bansa nang ipatayo niya ang SM North Edsa noong 1985.

Kalaunan, bukod sa shoe business ay pinasok na rin ng SM group ang banking, real estate, gaming, at pagmimina.

Mula sa kaniyang maliit na negosyo, isa na si Sy ngayon sa pinakamayamang tao hindi lamang sa Pilipinas kung hindi sa buong mundo.

Kinilala siyang pinakamayaman sa bansa sa loob ng 11 sunod-sunod na taon, kung saan umabot nang P19 bilyon ang kaniyang net worth.

At noong nakaraang taon, kasama na rin siya sa world’s billionaires list ng Forbes.

Sa isang pahayag humingi naman ng privacy ang pamilya Sy at nagpasalamat sa lahat ng nakikiramay.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.