Sundalong 'tulak', parokyanong guro, timbog sa QC buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2019 06:08 AM

MAYNILA - Arestado ang isang AWOL na sundalo at parokyano nitong guro sa buy-bust operation sa Barangay Bagong Silangan, Quezon City Biyernes ng gabi.

Nahulihan ang sundalo ng 5 sachet ng hinihinalang shabu. Inamin niya na gumagamit siya ng droga pero hindi umano siya nagtutulak.

Hinuli rin ng mga pulis ang guro na umano'y bumibili ng droga mula sa sundalo.

Sa Cubao naman, timbog ang isang lalaki sa buy-bust operation. Narekober sa kaniya ang 10 sachet ng umano'y shabu.

Ayon kay Senior Insp. Ramon Aquiatan Jr. ng Cubao Police Station, kabilang sa kanilang drugs watch list ang suspek.

Mahaharap ang mga hinuli sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. - ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.