SOCO: Bangkay ng 16 anyos natagpuang palutang-lutang sa ilog

ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2019 03:29 PM

 

Natagpuang nabubulok, tadtad ng saksak, at palutang-lutang sa ilog ang katawan ng 16-taong gulang na si alyas "Lordan" sa Urdaneta, Pangasinan noong Hunyo 2, 2018.

"Iyung balat niya nalalapnos na, tapos 'yung likod niya ang nasa ibabaw, nakadapa. Base doon sa [itsura] ng katawan niya, nasa tatlong araw [nang patay]," ayon kay SPO1 Rodolfo Sumio Jr. ng Urdaneta police.

Inakala ng mga awtoridad na simpleng pagkalunod ang ikinamatay ng biktima. Ngunit base sa post-mortem examination, kahina-hinala ang mga sugat na tinamo ng binata. 

Nalamang hypovolemic shock o pagkawala ng dugo at fluid sa katawan secondary to a laceration wound and neck hacking ang direktang ikinasawi ng biktima.

Labis ang pagtataka noon ng ina ng biktima na si alyas "Eliza" sa krimeng sinapit ng anak.

"Bakit ganoon ang ginawa? Sobrang sakit po at di ko po talaga in-imagine na mamamatay 'yung anak ko nang ganoon na klase," aniya.

Nang usisain ng mga pulis ang background ng biktima, natukoy na napabarkada si Lordan sa ilang kalalakihang 'di umano’y konektado sa mga ilegal na gawain.

"Napag-alaman namin na may mga record na pala 'to sa barangay na allegedly, sila 'yung involved sa pagnanakaw ng motor. Minsan nag-aakyat bahay daw sila," ayon sa hepe ng Urdaneta police na si Supt. Rollyfer Capoquian.

Dahil dito, naging persons of interest ang mga kabarkada ni Lordan na kinilalang sina Jimboy Manglinong at isang menor de edad na may palayaw na "Bulldog."

Pero noong ika-6 ng Hunyo, sumuko sa mga awtoridad si Bulldog.

Base sa salaysay nito, nagkaroon sila ng inuman kasama si Lordan at Manglinong noong Mayo 31.

"Actually, mailap 'yung biktima. Ilang beses na rin siyang niyaya na uminom sa labas. 'Yung gabi na 'yun lang siya nakumbinsi na sumama," kuwento ni Capoquian.

Matapos ang inuman, sumakay ang tatlo sa motorsiklo. Noo’y si Bulldog ang nagmamaneho habang si Lordan ang nasa gitna.

"Habang siya’y nagmamaneho nung motorsiklo, 'yung biktima nasa gitna, tsaka 'yung prime suspect natin 'yung nasa likod. 'Yung nasa likod daw na suspect, 'yun ang sumaksak," rebelasyon ni Sumio.

Sundan ang buong kwento sa “SOCO: Scene of the Crime Operatives” ngayong Sabado, 4:15 p.m. pagkatapos ng “Ipaglaban Mo!” sa ABS-CBN.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.