Radio station manager sa GenSan na di sumipot sa hearing, inaresto

ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2019 06:12 AM

GENERAL SANTOS CITY - Inaresto ng mga pulis nitong Biyernes ang isang radio station manager matapos hindi sumipot sa kasong robbery with intimidation.

Sa bisa ng warrant of arrest, hinuli si Jonathan Macailing ng Bombo Radyo General Santos sa City Hall compound.

“This warrant is in relation on his failure to appear in the scheduled court hearing that is why there is a warrant of arrest,” ani Senior Supt. Raul Supiter, director ng General Santos City Police Office.

Giit ni Macailing, naghain sila ng mosyon sa korte na hindi sila makakadalo sa hearing.

"Miscommunication lang sa court. Na-overlook lang siguro ang mga documents. Small technicalities," aniya.

Nahaharap si Macailing at ang kaniyang news director na si Salvador Galano sa kasong robbery with intimidation matapos umano nilang kikilan ng P5 milyon ang isang pastor na binabatikos nila sa kanilang programa sa radyo.

Naaresto sila noong Setyembre at nakalabas matapos makapagpiyansa.

Hinuli rin ng mga pulis ang 2 security escort ni Macailing matapos umanong bugbugin ang 2 pulis na sumusunod sa kanila.

Depensa ng kampo ni Macailing, napagkamalan nilang riding-in-tandem ang mga pulis dahil naka-sibilyan ang mga ito at bumubuntot sa kanilang sasakyan.

Nakatakda silang sampahan ng kasong direct assault of a person in authority, grave threat, at obstruction of justice. Tumanggi silang magbigay ng pahayag. - ulat ni Francis Canlas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.