Pamasko di nakarating dahil sa 'palpak' ng courier service

ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2019 07:04 PM

Watch more in iWantTFC

Likas na sa Pilipino ang pagpapadala ng pasalubong o regalo sa mga mahal sa buhay lalo na tuwing may okasyon gaya ng Pasko at Bagong Taon.
    
Pero imbes na saya, stress at kunsumisyon umano ang idinulot ng palpak na serbisyo ng isang courier service.
    
Kuwento ni Rica Manzano, bago pa mag-Pasko ay ipinadala niya sa pamamagitan ng kompanyang Xend ang dalawang maliliit na kahon para sa mga mahal sa buhay sa Iloilo at Negros Occidental.

Pero makalipas ang ilang linggo, hindi nakarating ang regalong pamasko ni Manzano.

Napag-alaman ni Manzano na sinubcontract pala ng Xend sa isa pang kompanya na Ninja Van ang pagpapadala ng kaniyang mga regalo.

"Hindi ako ma-assist [nung Ninja Van] kasi di ako 'yung shipper, ang kakontrata nila is si Xend," reklamo ni Manzano. 

Nanlumo si Manzano dahil napurnada ang kaniyang planong pasayahin ang mga kapamilya noong holiday season.

"Isang taon mong plinano at inipon 'yung mga gift na 'yun para ipangregalo tapos di nila matatanggap," aniya.

Idinulog ng "Tapat Na Po" sa Department of Trade and Industry (DTI) ang problema ni Manzano pero lumitaw na hindi pala sila kung hindi ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ang nangangasiwa sa mga parcel.

Pero ayon sa DTI, marami na umano silang reklamo na natatanggap laban sa Xend. 

"Upon checking our record, we have 38 complaints sa Xend for 2018 pa lang," ani Werlina Lim ng DTI.

Pinuntahan ng Tapat Na Po ang DICT at napag-alamang hindi pala rehistrado sa kanila ang pangalang Xend.

Ang paliwanag daw ng Xend ay brand name ito at rehistrado naman ang mother company nila.
    
Payo ngayon ng DICT, siguruhing registered sa kanila ang kukuning courier service.

Sa pahayag ng Xend, nitong linggo ay nagkaayos na sila at naibalik na rin ang dalawang boxes ni Manzano, pati ang refund niya.

"We would like to update you that the refund has already been given... This has been resolved and has already been returned to the shipper received by herself," ayon sa Xend. 
    
Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang po sa Facebook page ng Tapat Na Po.

—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.