P1.1 milyong halaga ng droga, nasamsam sa Naga City

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2019 09:23 PM

Nakuha ang 165 gramo ng hinihinalang shabu mula sa isang barangay tanod at kasama nito sa Naga City, Biyernes. Naga City Police

NAGA CITY, Camarines Sur—Nasamsam ang P1.1 milyong halaga ng hinihinalang shabu mula sa isang barangay tanod at kasama nito sa lungsod na ito Biyernes ng gabi.

Nakuhanan ng 165 gramo ng droga si Ruel Lizano, barangay tanod ng San Felipe, at si Carlito Alegre.

Ayon sa pulisya, ang tanod ay ama ng drug suspect na si Jude Lizano na nahuli rin sa buy-bust operation noong nakaraang linggo.

"Last week, itong anak niya, nakunan natin ng more or less P5 million worth ng shabu," ani SPO2 Tobias Bongon, tagapagsalita ng Naga City Police.

Inihahanda na ng awtoridad ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.