Mga magulang ng ilang batang dinampot sa Navotas drug den umalma

ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2019 04:14 PM

Umalma ang mga magulang ng ilan sa mga nahuling menor de edad sa operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Navotas Fish Port noong Miyerkoles. 

Maaalalang inaresto ang 28 indibidwal, kabilang ang 12 menor de edad, sa tatlong drug den sa naturang fish port matapos ang halos isang buwang paniniktik ng mga awtoridad sa lugar. 

Pero giit ng mga magulang, hindi sangkot sa droga ang kanilang mga anak.

Ang mga inang sina alyas "Rosie" at alyas "Monina," nag-iiyak at kinalabog ang gate sa labas ng Bahay Pag-Asa sa Navotas kung saan dinala ang mga bata, pero hindi pa rin sila pinapasok noong Biyernes ng gabi.

Apat na taong gulang lang ang anak ni Monina pero dinampot ito dahil nakita sa isa sa mga drug den.

"Dumedede pa 'yung anak ko. Hindi ako makatulog, gusto ko kunin 'yung anak ko," umiiyak na sabi ni Monina.

Ang mga anak naman ni Rosie ay nasa edad 5, 8, at 13, pero mga sangkot din umano sa droga kaya hinuli. 

Bagama't hindi sinampahan ng kaso ng PDEA ang 12 na na-rescue na mga menor de edad, tingin ni Director General Aaron Aquino ay babalik lang sa dating gawain ang mga bata kung hindi mabigyan ng nararapat na intervention.

"Nagkaroon na ba ng group counseling 'yung pamilya? Kung ngayon nila gusto i-release, definitely sasabihin ko hindi pa," ani Aquino.

Nanindigan din si Aquino na malinaw sa kanilang surveillance videos ang paggamit at pagtutulak ng droga ng mga bata, at pagiging lantad ng mga ito sa mga drug den.

"Iyung isa ngang dinala namin, biglang bumangon nung nandito at humihingi ng energy drink dahil bumababa na raw 'yung tama niya... Why can't we acknowledge there's a problem in illegal drugs," paliwanag ni Aquino. 

Pero giit ng mga magulang, hindi ang kanilang mga anak ang nasa surveillance video.

"Nagkakamali po sila ng dinampot dahil hindi naman po involved ang mga bata na 'yun... Kahit ipa-monitor pa po nila kami hindi po kami nag-aadik," hinaing ni Rosie. 

Nanawagan din ang purok leader sa lugar na huwag sana idamay ang mga inosenteng bata.

"Hindi po kami galit na sugpuin ang droga. Ang sa amin lang, lahat na lang po ba tataguriang mga drug adik?" ani Daisy Maraguinot, purok leader ng Barangay NBBS Navotas.

Nitong Sabado, bumalik ang mga magulang sa Bahay Pag-Asa kasama ang barangay chairman at pinapasok na sila. 
 
Matapos ang higit dalawang oras ng pag-uusap, napagkasunduan na isasailalim muna ang buong pamilya ng mga ni-rescue na bata sa recovery program.

Tiniyak din ng pamunuan ng Bahay Pag-Asa na magsasagawa sila ng masusing assessment para masigurong ligtas nang maibalik ang mga bata sa kanilang mga magulang at komunidad.

—Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.