ALAMIN: Parusa sa mga magkakalat ng maling balita ukol sa HIV, AIDS

ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2019 09:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kamakailan ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong batas ukol sa human immunodeficiency virus (HIV) at acquired immunodeficiency syndrome (AIDS).

Ang Republic Act 11166 o Philippine HIV and AIDS Policy Act ang papalit sa Philippine National AIDS and Control Act of 1998.

Ayon kay Atty. Claire Castro, nakapaloob sa batas ang parusa sa pagpapakalat ng balita tungkol sa HIV at AIDS, na umano'y kritikal sa pagsugpo nito.

Paliwanag niya, importanteng malabanan ang diskriminasyon na hinaharap ng mga may HIV at AIDS sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng tamang impormasyon tungkol dito.

"Dito [sa bagong batas], mas pinalawak 'yung tungkulin at 'yung obligasyon na bigyang impormasyon ang ating kababayan pati sa school, private and public entities," aniya sa "Usapang de Campanilla."

Ayon pa kay Castro, mas paiigtingin sa batas ang parusa laban sa mga taong magkakalat ng maling impormasyon tungkol sa HIV at AIDS.

Kabilang rito ang mga magpapakalat ng maling balita tungkol sa umano'y gamot na nakakapagpagaling sa HIV at AIDS.

Maaaring parusahan nang isa hanggang 10 taong pagkakakulong at multa mula P50,000 hanggang P500,000 ang mga magkakalat ng maling impormasyon tungkol sa HIV at AIDS.

Multa rin at kulong ang naghihintay sa mga magbebenta o magpapakalat ng pekeng gamot dito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.