Magkakasunod na reklamo laban sa Rappler, di panggigipit: NBI

ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2018 10:48 PM | Updated as of Jul 12 2019 05:21 PM

Watch more in iWantTFC

May panibagong hamon na hinaharap ngayon ang Rappler matapos silang bigyan ng subpoena ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng isang artikulo nilang lumabas noong 2012. 

Pero paglilinaw ng NBI, nagkataon lang daw na nagkasabay ang imbestigasyon nila sa Rappler tungkol sa kanilang lisensya at sa reklamo ng cyber libel na isinampa ng negosyanteng si Wilfredo Keng. 

Kinumpirma nila na isang online article noong 2012 ang pinagmulan ng reklamo at may basehan daw na imbestigahan ito kahit pa nilathala ng Rappler ang istorya kung kailan wala pang batas laban sa cyber libel.

"Even if it was first posted in 2012, but it still can be seen, ang aming presumption is they violated the law. Kung tinanggal 'yun, they didn't violate anything," ani Atty. Manuel Eduarte, pinuno ng NBI cybercrime division.

Bukod kay Rappler CEO Maria Ressa, kasama rin sa pinagpapaliwanag ang dating reporter na nagsulat ng istorya na si Rey Santos. 

Hindi naman masagot ng NBI kung bakit 5 taon ang lumipas bago nagreklamo si Keng. 

Watch more in iWantTFC

Panggigipit

Sa pahayag ng Rappler, sinabi nitong malinaw na politically motivated ang ginagawang "pag-atake" ng pamahalaan sa kanila, mula sa desisyon ng Securities and Exchange Commission (SEC) hanggang sa subpoena ng NBI. 

Ang sunod-sunod na pukol sa Rappler, kinondena hindi lang ng mga lokal na mamamahayag kung hindi maging ng international media.

Sa isang editorial ng Washington Post, sinabi nitong dapat mapigilan ang nangyayaring atake sa Rappler. 

Hindi raw dapat payagan ang malayang pamamahayag na malunod sa isang lider na ang tanging sigaw ay "fake news."

Ang New York Times naman, sinabing ang nangyari sa Rappler ay maliit na bahagi pa lang ng pag-atake ng Pangulo sa kaniyang mga kritiko. 

Ang Reporters Without Borders naman, nakikiusap sa United Nations, UNESCO, at ASEAN na manindigan kontra sa desisyon ng pamahalaaan na ipasara ang Rappler. 

Ang pagbuhos ng suporta, pinasalamatan ng Rappler. 

Pagtitiyak nila, hangga't walang pinal na desisyon ay hindi sila titigil sa kanilang obligasyon sa publiko na mag-ulat tungkol sa mga nangayayari sa bansa. 

--Ulat nina Raphael Bosano at Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.