College student na nagbebenta umano ng marijuana, arestado sa QC

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2018 05:04 AM

Arestado ang isang college student sa isang buy-bust operation sa isang gasolinahan sa Aurora Boulevard, Quezon City Huwebes ng gabi.

Kinilala ang nahuli na si Mikey Santos, 21-anyos, isang 4th year marketing student sa isang kolehiyo sa Mandaluyong.

Narekober mula sa kanya ang 10 sachet ng kush o high-grade na marijuana na galing pa umano sa labas ng bansa.

Tinatayang nasa P25,000 ang halaga ng nasabat na ilegal na droga.

Ikinasa ang buy-bust ng District Drug Enforcement Unit ng Quezon City Police District alas-11:45 ng gabi.

Isang operatiba ang nagpanggap na buyer na bumili kay Santos.

Pagkatapos ng transaksyon, agad inaresto ang estudyante.

Ayon kay Senior Insp. Joel Cabauatan ng DDEU, nauuso na umano ngayon ang kush dahil malakas ang tama kumpara sa ordinaryong marijuana pero mas delikado sa katawan.

Mga estudyante at mga may kaya ang mga customer umano ni Santos.

Pinabulaanan naman ni Santos na siya ay isang tulak. Nagde-deliver lang umano siya dahil sa pangangailan sa pera.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.