Buntis, nahulihan ng ilegal na droga sa GenSan

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2018 07:35 PM

GENERAL SANTOS CITY - Arestado ang isang 6 na buwang buntis sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya sa Purok 2, Barangay Apopong sa lungsod na ito Huwebes.

Nakumpiska mula kay Anna Rose Sivillano, 19 anyos at out-of-school youth, ang isang sachet ng hinihinalang shabu at ang P500 na marked money.

Hindi na naitanggi pa ng suspek na sangkot siya sa ilegal na droga, pero hindi umano sya nagbebenta, kundi runner lang.

Nagawa niya raw ito para idagdag sa budget nila sa pagkain at sa kanyang panganganak.

Labis namang nadismaya ang ina ng suspek na dati na ring nakulong ng 9 na taon dahil naging runner din umano siya ng ilegal na droga. Taong 2002 nang ipinasok siya sa piitan, pero nakalaya noong 2011 matapos ma-dismiss ang kaso.

Ayon sa pulisya, noong nakaraang Linggo pa nila natanggap ang impormasyong may ilegal na droga si Sivillano. Paubos na rin umano ang suplay ng suspek nang isigawa nila ang buy-bust.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.