Lola, 2 iba pa timbog sa buy bust sa Laguna

Jerome Lantin, ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2017 12:16 PM

Tatlo ang arestado sa buy bust operation, kabilang ang isang lola na pinakamatandang drug pusher sa Los Baños, Laguna.

Inakyat ng operatiba ng Los Baños PNP ang bakod ng isang bahay sa Barangay Mayondon Huwebes ng madaling araw.

Nahirapan rin silang buksan ang pinto ng bahay sa tindi ng pagkaka-lock.

Nang makapasok, bumungad agad ang kanilang pakay na si Lola Patring o Patricia Escobin, 60-taong gulang.

Kasamang inaresto ang kanyang anak na si Edith Escobin at kinakasama nitong si Bradley Sucaldito.

Dati nang sumuko sa Oplan Tokhang si Lola Patring, pero bumalik rin sa masamang gawain.

Sa surveillance video ng mga pulis, nakunan pa na ginagawang pwestuhan ang bahay ng suspek.

"Inamin niya na talagang nagbebenta sila. Pinaghawakan ko yung sinabi niya na hihinto talaga. Ang problema, nung nakuha natin yung drug queen dito sa Los Baños na 56-year old, itinuloy niya kasi wala na siyang kumpetensiya,” sabi ni Police Superintendent Vicente Cabatingan.

Ginagawa pa umanong front ng suspek ang kanilang sari-sari store sa pagbebenta ng droga kung saan nagpapanggap ang mga parokyano na ice candy ang bibilhin.

"Ang modus niya, nagbebenta siya ng mga ganito may kasama ng drugs para hindi halata,” dagdag ni Cabatingan.

Nakuha sa bahay ng suspek ang pitong sachet ng hinihinalang shabu habang posible pa umanong nai-flush na sa banyo ang ibang droga bago nakapasok ang mga pulis.

Nahaharap ang mga suspek sa mga kasong paggamit at pagbebenta ng droga.