2 patay sa pagbaha sa Misamis Occidental

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2017 04:27 AM

Dalawa ang patay sa nangyaring pagbaha sa Misamis Occidental, habang tatlong lugar ang nagdeklara ng state of calamity.

Nakaburol sa kanilang bahay sa Barangay El Parais sa Sapang Dalaga, Misamis Occidental ang 76-taong-gulang na si Paterno Lazos.

Nalunod si Lazos sa kasagsagan ng pagbaha noong Lunes.

Sabi ng asawang si Miguiela, sinaway pa niya ang asawang huwag nang pumunta ng kanilang sakahan at umuulan, pero di ito nakinig sa kanya.

Bukod kay Lazos, patay din ang 50-taong-gulang na si Bobong Galleto ng Calamba, Misamis Occidental.

Ayon sa PDRRMC, malaki ang naging sira ng baha at landslide dala ng malakas na pag-ulan noong Lunes sa agrikultura at imprastraktura.

Ayon sa PDRRMC, naka-alerto pa rin ang probinsiya dahil patuloy pa ring nararanasan ang pag-ulan. Marami ang nasirang kabuhayan, nasalantang mga pananim, lalo na ang mga palayan.

Anim na lugar ang apektado sa malakas na pag-ulan mula sa Aloran, papuntang Oroquieta City, Lopez Jaena, Plaridel, Calamba at Sapang Dalaga.

Sa anim, tatlo ang nagdeklara ng state of calamity.

Kasama dito ang bayan ng Lopez Jaena na umabot sa mahigit P1 milyon ang naging pinsala sa kanilang agrikultura.

Dalawang barangay pa ang di napapasok dahil sa landslide.

Sira din ang katatapos lang na flood-control project na nagkakahalaga ng P4 milyon.

Kaya si Mang Neil na nakatira malapit sa bukana sa Barangay Pontod ay agad inilikas ang pamilya sa evacuation center noong makita niyang unti-unting gumuho ang flood control sa harap ng kanilang bahay.

Bukod sa Lopez Jaena, nagdeklara rin ng state of calamity ang Oroquieta City at Plaridel dahil sa naging sira nito sa agrikultura at imprastraktura.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.