18-wheeler truck tumagilid sa Commonwealth

ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2017 11:25 AM

MANILA - Tumagilid ang isang 18-wheeler trailer truck sa center island ng Commonwealth Avenue sa Quezon City, Huwebes.

Ayon sa mga rumespondeng barangay official, mag-isa ang trak sa kalsada dakong alas-3 ng umaga nang lumiko ito pa-Commonwealth mula Elliptical Road at mawalan ng balanse.

Tumama ang truck sa isang poste ng ilaw at ilang halaman sa center island, dahilan para mabasag ang windshield ng sasakyan.

Isinara ang 2 lane ng Commonwealth dahil sa aksidente, kaya tumukod ang trapiko sa southband lane hanggang bago mag-Tandang Sora Avenue, pasado alas-8 ng umaga.

Kinailangan gumamit ng Metro Manila Development Authority ng crane upang maialis ang truck sa kalsada.

Hindi naman nasugatan ang driver na si Jorge De Asis at kasakay na pahinante.

Papunta sana sa Pasig sina De Asis mula sa pier ng Maynila. Hindi masabi ng driver kung kung ano ang laman ng 40-toneladang trailer.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.