PatrolPH

Pulis tumulong sa pagpapaanak ng ginang sa Camarines Norte

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2022 01:47 PM

Umani ng papuri ang 34 anyos na pulis na si Leo John Samonte na tumulong sa pagpapaanak ng ginang sa rescue vehicle sa Camarines Norte. Registered nurse si Samonte. Courtesy: Donde Consuelo
Umani ng papuri ang 34 anyos na pulis na si Leo John Samonte na tumulong sa pagpapaanak ng ginang sa rescue vehicle sa Camarines Norte. Registered nurse si Samonte. Courtesy: Donde Consuelo

CAMARINES NORTE--Umani ng papuri ang isang 34 anyos na pulis dahil sa pagsaklolo sa ginang na inabutan ng panganganak sa loob ng rescue vehicle sa bayan ng San Vicente.

Kinilala ang pulis na si Police Cpl. Leo John Samonte na isa ring registered nurse.

Aniya, nagbabantay sila ng ilang kapwa-pulis sa COVID-19 vaccination sa Rural Health Unit nang dumating ang van na sakay ang buntis.

Siksikan umano ang daanan, kaya di na nadala ang ginang sa birthing facility ng munisipyo.

"Naglalabor na po siya tapos nakita natin na nangangailangan ng tulong 'yong mga [taga] medical team natin, e nagkataon po na isa akong nurse nagvolunteer na po akong tumulong sa pagpapalabas no'ng bata," ani PCPL Samonte na 9 na taon na sa serbisyo.

Maayos na nailuwal ang sanggol ng ginang na taga-Bgy. Cabanbanan ng San Vicente.

Kinilala ng hepe ng San Vicente MPS si Samonte at tiniyak na laging handang umalalay ang kapulisan lalo sa panahon ng krisis at sakuna.

"Binabati ko siya sa ginawa niyang good deeds... Lahat po ng aming kapulisan dito ay handang tumulong sa mga nangangailangan," ani PCPT Danilo Ignacio Cosme, Jr.

Bago mapabilang sa Traffic Patrol Police Non-Commissioned Officer ng San Vicente municipal police station, nagsilbi munang team leader ng grupo ng police-nurse ng Camarines Norte Police Provincial Office si Samonte na nag-aalaga sa ilang positibo sa COVID-19. 

-- Ulat ni Jonathan Magistrado

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.