PatrolPH

Hindi bakunado dahil sa relihiyon, lalaki timbog sa pagbebenta ng pekeng vaccine cards

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2022 04:40 PM

ARITAO, Nueva Vizcaya — Arestado noong Linggo ang isang lalaki sa bayan na ito dahil sa pagbebenta ng pekeng vaccination card.

Kinilala ang suspek na si Perlito Cabanban, 43.

Nahuli si Cabanban sa isang entrapment operation kung saan nakumpiska sa kaniya ang tatlong pekeng vaccination cards na ibinebenta niya ng P3,000 bawat isa. 

Ang pekeng vaccination card ay kahalintulad ang itsura ng DOH cards pero walang pirma ng Municipal Health Officer. 

Hindi rin tugma ang mga nakalagay na iba pang detalye gaya ng petsa kumpara sa orihinal na vaccination card, na mayroon ding dry seal. 

Ayon sa pulisya, Nobyembre 2021 pa nila alam ang ginagawang modus ng suspek.

Depensa naman ni Cabanban, nabili lang din umano niya ang pekeng vaccination card sa halagang P1,000 mula sa isang tao. 

Inamin din niya na hindi siya bakunado dahil bawal umano sa kanilang relihiyon kaya bumili siya ng pekeng vaccination card. 

Sinampahan na ang suspek ng reklamong Falsification of Public Document.

Dahil sa insidente ay ipinag-utos na raw ng lokal na pamahalaan ang mas mahigpit na pagpapatupad ng “No Vaccination Card, No Entry."

Noong Lunes, may apat na indibidwal na nag-surrender ng pekeng vaccination card at saka nagpabakuna na rin.

—Ulat ni Harris Julio 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.