PatrolPH

Maynila naglunsad ng libreng drive-thru COVID-19 swab test

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2021 05:41 PM

Inilunsad ngayong Lunes ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang libreng drive-thru swab test sa Quirino Grandstand, na bukas kahit sa mga hindi taga-Maynila.

Dati'y libreng rapid test ang inaalok sa Quirino Grandstand pero ngayo'y swab test na dahil sa mas mataas umanong accuracy rate para malaman kung may COVID-19 ang pasyente. 

Pinangunahan ng Manila Health Department ang testing facility na tatanggap ng mga pasyente mula alas-8 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali.

Pero hindi tulad noong puwede ang walk-in, by appointment na ang swab test sa Manila Emergency Operation Center.

Hanggang 100 tao lang kada araw ang maaaring ma-swab.

Personal namang ininspeksiyon ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga bagong biling freezer na gagamiting storage para sa COVID-19 vaccine sa Santa Ana Hospital nitong Lunes.

Ayon kay Moreno, wala pa man ang bakuna, gusto na nilang maghanda kaya iba-ibang klaseng freezer ang binili ng lokal na pamahalaan para sa magkakaibang storage requirement ng mga vaccine brand. 

Inabot ng P9 milyon ang proyekto, kasama ang pagbili sa transport coolers. 

Target ng local government unit (LGU) ng Maynila na mabakunahan ang isang milyong residente o 60 porsiyento sa kanilang total population ng 2.4 milyon.

"We have already 72,500 (citizens) pre-registered. So ang pulso namin, interesado ang tao magpa-bakuna," ani Moreno.

Sa Marikina, nagkasundo na ang LGU at pharmaceutical firm na Novavax para makakuha ng COVID-19 vaccine para sa 100,000 indibidwal.

Dagdag lang ito sa unang napagkasunduang vaccine para sa 120,000 sa ibang kompanya at request na 109,000 mula sa national government.

Plano ni Mayor Marcelino Teodoro na gawing prayoridad ang mga lugar na maraming kaso ng COVID-19.

"Tinitingnan nating ang concentration ng active cases natin para sa gano'n makapagbakuna tayo sa mga area na nakapaligid dito," ani Teodoro.

Ayon pa sa alkalde, nakikipag-ugnayan na sila sa mga pribadong kompanya mula sa medical at industrial sector para sa mas maayos na vaccine distribution.

-- Ulat nina Jerome Lantin at Adrian Ayalin, ABS-CBN News

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.